Thursday, December 20, 2007
Pagpupunyagi nina Karen at Sherlyn
SA KABILA ng mga dinanas niya, matapang pa rin si Sherlyn Cadapan. Bata pa lamang, nakitaan na siya ng ganitong katangian, laluna noong naging atleta si Sherlyn. At tulad marahil ng mga torneong nalahukan niya noong kolehiyo ang pakikipagtagisan sa mga militar habang nasa kamay nila – laro lamang ito ng isip at determinasyon.
Isang araw noong Abril, pinlano ni Sherlyn na makatakas. Pinlano niyang ipaalam ang kinalalagyan nila ng kasamahang si Karen Empeño.
Ang plano: paniwalain ang mga sundalong bantay na bumigay na siya. Na gusto na niyang makipagtulungan. Na aaminin na niya ang dapat na aminin, ituturo na ang dapat ituro. Kunyari, uuwi siya sa Calumpit, Bulacan, sa bahay ng kasintahan, para ituro ang nakatago umanong mga baril.
Ika-11 ng Abril, kasama ang isang pangkat ng babaing mga sundalo, pumunta si Sherlyn sa bahay ng kasintahan. Sa kanyang bulsa, isang kapirasong papel na naglalahad na sila ni Karen ay nasa Kampo Tecson, San Miguel, Bulacan.
Kilala siya ng magulang ng kasintahan, at sinalubong ng yakap. Pero bago pa man tahimik na naibigay ang kapirasong papel, nabisto na siya ng bantay. Agad siyang ibinalik sa sasakyan. Gulpi ang inabot ni Sherlyn.
Kuwento ni Raymond
Bahagi ito ng ikinuwento ni Raymond Manalo sa kanyang sinumpaang salaysay. Siya ang isa sa magkapatid na Manalo na dinukot ng mga sundalo noong Pebrero 2006 at saka nakatakas noong Agosto 13, 2007.
Ito ang ikalawang sinumpaang salaysay ni Raymond. Ang una, pirmado at sinumite sa Korte Suprema para hilingin ang proteksiyon ng korte. Ang ikalawa, di pirmado, at naibigay kamakailan ni Raymond sa Karapatan, alyansang pangkarapatang pantao.
Sa huling pagdinig para sa hinihinging writ of amparo sa kasong Empeño-Cadapan, iniutos ng Court of Appeals na tumestigo si Raymond hinggil sa nalalaman niya sa kaso.
Dahil di pirmado, walang legal na halaga ang pangalawang salaysay. Pero para sa Karapatan, kinukumpirma nito ang mga impormasyong natatanggap mula sa iba’t ibang impormante: na buhay sina Karen at Sherlyn mahigit sampung buwan matapos dukutin ang dalawang estudyante noong Hunyo 26, 2006 sa Hagonoy, Bulacan.
Malalim ang naging pakikipag-usap ni Raymond kay Sherlyn. “Noong una ay hindi ko pa siya kilala, napagkamalan ko pa nga na baka isa sa mga kabit ng militar…[P]agkaraan ng dalawa o tatlong araw ay saka pa lamang kami nagkakuwentuhan,” ayon sa kanyang salaysay.
Noong una niyang nakita si Sherlyn, “payat na payat at lubog ang mata” nito. Nakatali ng kadena ang mga kamay at paa. Tahimik umano si Karen, pero makuwento si Sherlyn.
Sa ilang pagkakataon, “ginawang labandera at masahista ng mga militar” ang dalawang estudyante.
Pinahirapan
Galit na galit ang militar nang mabuking nito ang plano ni Sherlyn noong Abril 11. Ayon kay Raymond, muling tinortyur si Sherlyn pagbalik sa kampo. Pati si Karen ay isinama na. “Sinuntok nila ang buong katawan ni Sherlyn at Karen, dumugo ang nguso, ibinitin ang dalawa [nang] patiwarik na ang nakatali lamang ay isang paa habang sila ay hubo’t hubad…Pagkatapos ay binubuhusan sila ng tubig sa ilong.”
Si Reynaldo, kapatid ni Raymond, ginawang tagatapon umano ng ihi ng dalawa na “pulos dugo.” “Ako naman ang pinaglaba ng mga militar ng mga damit at underwear ng dalawa na puno rin ng mantsa ng dugo at putik,” sabi pa ni Raymond. Wala sa pangalawang sinumpaang salaysay, pero sinabi rin diumano ni Raymond sa Karapatan na ikinuwento sa kanya ni Sherlyn na ginahasa sila ng mga sundalo.
Matagal pang nagkasama ang magkapatid na Manalo at sina Karen, Sherlyn, at Manuel Merino. Mayo 2007, dinala sila sa isang safehouse sa Iba, Zambales. Alam ni Raymond na sa Iba sila dinala dahil nakita niya ang arko ng bayan. Unang linggo ng Hunyo, ibinalik ang lima sa kampo ng 24th Infantry Batallion sa Bataan. “Noong ika-8 at -9 ng Hunyo, dinala kaming tatlo (ako, si Reynaldo at Mang Manuel) sa gubat na nasa kabila lang ng kampo,” kuwento ni Raymond. Ito na umano ang huling pagkakataong nakita niya sina Karen at Sherlyn.
Writ of Amparo
Sa isinampang petisyon para writ of amparo, hiniling ng mga magulang nina Karen at Sherlyn na inspeksiyunin ang mga kampo at safehouse na nabanggit sa salaysay ni Raymond.
Mabigat kina Linda Cadapan, ina ni Sherlyn, at Connie Empeño, ina ni Karen, na tanggapin ang salaysay ni Raymond. Pero, anila, “inaasahan na namin iyon.” Hindi lubos-maisip ni Linda kung “anong pagkatao mayroon” ang mga sundalong nagpahirap – at maaaring nagpapahirap pa rin ngayon – kina Sherlyn at Karen.
Ayaw pang sagutin ng AFP (Armed Forces of the Philippines) ang mga pahayag ni Raymond. Pero sa sagot sa petisyon nina Connie at Linda, hindi umano ito papayag na siyasatin ang mga kampo at safehouse dahil “mapanganib.” Ayon kay Atty. Amparo Teng ng tanggapan ng Solicitor General na kumakatawan sa AFP sa korte, mistulang “fishing expedition” o pamiminguwit lamang ang gustong mangyari ng mga ina.
Pumayag ang korte na dinggin ang mga testigo ng Karapatan, kabilang si Raymond at ang magulang ng kasintahan ni Sherlyn na tumangging pangalanan sa midya.
Gusto lamang ni Connie makita ang anak, patay man o buhay. Para naman kay Linda, “Habang wala pa talagang patunay, hindi ko pa rin kinokonsidera na patay si Sherlyn.”
Sa ngayon, umaasa sila na makakatulong ang sistemang legal sa paghahanap. Pero anu’t anuman, lalong lumiliwanag sa isipan nila: sa isang banda, ang kawalanghiyaan ng gobyerno, at sa kabilang banda, ang kabayanihan at katapangan ng kanilang mga anak.
Walang araw na hindi niya naaalala ang anak, sabi ni Connie. Labis siyang humahanga sa mga pagtulong na ginawa nito sa mga magsasaka sa Bulacan. Naisip niya, “dakilang tao ang anak ko.”
“Bata pa, matapang na si Sherlyn. Mag-isa siyang lumalangoy,” gunita naman ni Linda. Nang naging varsity sa iba’t ibang isport, lalong nahasa umano ang pangahasan ni Sherlyn.
Ngayong nasa kamay ng militar, nakikipagtagisan pa rin siya, kasama ang kaibigang si Karen.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment