Friday, December 14, 2007

Tigil-pasada tagumpay - Piston


Idineklarang tagumpay ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) ang kanilang tigil-pasada nitong Huwebes matapos umanong maparalisa ang 95 porsiyento ng pampublikong transportasyon sa ilang lugar sa bansa.

Sa panayam ng dzBB radio, sinabi ni George San Mateo, secretary general ng Piston, na hindi na nila pinahaba ang protesta at pinabalik na ang mga tsuper sa mga lansangan dakong 5 p.m.

Inihayag nito na kahit hindi sumama ang ibang grupo ng transportasyon ay nagawa nilang paralisahin ang 90 hanggang 95 porsiyento ng transportasyon sa buong bansa at 70 hanggang 90 porsiyento sa Kamaynilaan.

Hahanap pa rin umano ang kanilan grupo ng ibang paraan upang patuloy na itulak ang pagrepaso sa oil deregulation law at pagbuwag sa umano’y oil cartel sa merkado.

Samantala, inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na “normal" ang transportasyon sa Maynila nitong Huwebes.

Ginawa ng Piston ang tigil-pasada bilang protesta sa tumataas na presyo ng langis. Nabahiran din ng insidente ang pagkilos dahil sa pagharang ng mga myembro ng Piston sa mga tsuper na patuloy na pagpasada.

Ayon kay San Mateo, 95 porsiyentong paralisado ang transportasyon sa Davao, General Santos City, Bicol, at Bacolod, habang 90 porsiyento naman sa Panay at 85 porsiyento sa Cagayan de Oro.

Sa Kamaynilaan, inihayag ni San Mateo na paralisado ang 90 porsiyento ng ruta ng jeepney sa Monumento, 95 porsiyento sa San Juan , 95 porsiyento sa Alabang, 80 porsiyento sa Southmall at 90 porsiyento sa Angono Crossing.

Idinagdag niya na umabot sa 97 porsiyentong naparalisa ang byahe sa ruta mula Project 3 sa Quezon City hanggang sa Maynila.

No comments:

Powered By Blogger